Heights Ateneo — The Official Literary and Artistic Publication and Organization of the Ateneo de Manila University

AHWW 25 Fellow Aids Soriano (Dula)

Adrian Soriano | May 19, 2020

"Unti-unti kong naiintindihan ang sarili ko kada gawa ng likhang sining."

Nasa huling taon na ako ng pag-aaral ng Creative Writing. Marami akong natutunan sa Ateneo. Maganda ito sapagkat noong kakasimula ko pa lang mag-aral dito, wala akong masyadong alam sa pagsusulat. Hindi nagtagal, at umabot ako sa mga klase ni Sir Martin at nina Sir Glenn Mas na kung saan natuto akong tumingin sa aking sarili tuwing nagsusulat ako. Lagi akong napapa-isip tuwing nagsusulat kung ano ba ang gusto kong iparating sa mambabasa. Ano ba ang gusto kong pag-usapan? Sa ilang taon sa Ateneo, naintindihan ko na napakakaunti lamang ang naiintindihan ko sa sarili ko. Ukol sa aking pisikal na anyo, o ‘di kaya sa mga naranasan ko nung nasa high school pa ako. Kaya para sa akin, tuwing nagsusulat ako, nasa isipan ko palagi kung ano sa akin ang ‘di ko pa naiintindihan at gusto kong hanapin sa pagsusulat ng mga dula. Sa tingin ko bunga rin ito ng pagkalalaki ko. Pinamalas sa akin noong bata pa lamang ako, ang katangian ng lalaki bilang taong, ‘di emosyonal. Dahil dito, mahirap sa akin ang paraan ng pagproseso ng maraming mga bagay, emosyon man o problemang pisikal. Unti-unti kong naiintindihan ang sarili ko kada gawa ng likhang sining. 

Makikita ito sa “Ligawan sa Lupa”. Dito ko naisip ang sarili ko bilang taong hindi maganda ang tingin sa sariling pisikal na anyo. Naging usapin ito ng karakter ni Mikmik na hindi kaayon-ayon ang anyo, at mas lalo na, hindi sanay sa mga bagong kapaligiran. Isang malaking problema noon ang kinakailangan naming maging cool. At kung ayaw mo, hindi magigiging maganda ang buhay mo hanggang sa katapusan ng high school. 

Kadalasan, nagsusulat ako ng mga komedya. Naisip ko na marami sa mga kinahihiyaan ko sa sarili ko ay katatawanan lamang. Napagtatawanan ko ang mga ito, hindi dahil tinatalikuran ko ang isyu kundi dahil natututunan ko na huwag masyadong seryososhin ang sarili ko. Minsan, hindi naman importante yung mga bagay na kinakatakutan kong makikita ng iba sa akin.

Nagsusulat ako dahil masaya ito. Natutuwa ako sa mga karakter na nalilikha ko. Natutuwa ako sa paggawa ng mga absurdong mga mundo tulad ng sa “Ligawan sa Lupa”. At natutuwa ako sa mga walang kuwentang problema ng mga bata galing sa high school. 

Nais ko pang humusay sa panunulat. Marami pa akong kailangan matutunan at nais kong masanay sa paggawa ng dulang trahedya. Maganda ang oportunidad na makasali sa mga palihan, upang mabigyan ako ng iba’t ibang pananaw sa panunulat.

Ready to have your work featured in HEIGHTS

We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio.
Interested? Come and submit your works today!

Contribute Now