Heights Ateneo — The Official Literary and Artistic Publication and Organization of the Ateneo de Manila University

Call for Contributions for the First Regular Folio A.Y. 2022-2023

HEIGHTS | Aug 14, 2022

70.1 Heights Ateneo Panawagan para sa Mga Akda

Nakakintal sa alaala ng bayan kung paano ginawang kasangkapan ng pananamantala ang sining at panitikan. Mga propaganda at kasinungalingan ang nagpabansot sa puwersa ng iba’t ibang pagpapahayag at diskursong kritikal. Pininsala ng mga ito hindi lamang ang ating mga paniniwala, kundi pati ang ating pakikipagkapuwa. Paano natin paglilingkuran ang ating mga komunidad kung pinagwawatak-watak tayo ng mga katotohanang hanggang ngayon ay malalamlam? Ano pa ang káyang gawin ng sining at panitikan matapos nitong mang-usig at magsiwalat? Hindi ba tayo sinasamo na huwag lamang magbunyag kundi tumugon din? Katambal, samakatuwid, ng katotohanan ang pagkilos—isang pangangahas.

Ang pangangahas ay isang hámon sa tibay ng ating loob. Hinahámon tayong mangahas na ipahayag ang ating sarili nang walang pagpipigil, ipagtanggol ang ating mga karapatan, at manindigan kasama ang ating kapwa. Ang pangangahas ay pakikipagsalaran sa mga mundong lingid sa atin, at pagpupunyagi sa isang daigdig kung saan walang tiyak. Kayâ nga ang nangangahas, tumatapang. Higit sa pagpukaw, ang pangangahas ay isang pagsuway. Pagtatakwil ito sa mga tuso at diktador, at pagkilala sa paglikha bilang isang paggigiit. Kayâ nga walang nangangahas nang mag-isa lang—kung may tagahagis, mayroon ding tagasaló.

Matapos ang tagumpay ng double issue folio noong nakaraang taon, babalik na ang HEIGHTS sa regular nitong siklo ng publikasyon ngayong taon. Sa kasalukuyan, kumakalap kami ng mga katangi-tanging akdang sumasalungat sa kumbensiyon, sumusubok sa hindi kinasanayan, at tumataya nang may kamalayan sa layunin. Hinihikayat ang mga alagad ng sining at panitikan na makiisa, makipagtulungan, at tumuklas kasama ang kapwa upang sindihan ang mitsa ng pagkilos, tumugon sa mga pagsubok, at sumiyasat sa mga maaaring pag-igkas. At sa pangangahas na ito, nais naming alamin: Anong ang inyong mga nilulunggati at ano ang pumipigil sa pag-abot ninyo ng mga ito? Paano ninyo hinihimok ang inyong kapwa na makilahok at kumilos? Paano nagiging radikal ang pag-asa?

Panawagan para sa mga akda. HEIGHTS Vol. 68 No. 1 (Panuto):

Binubuksan ng HEIGHTS ang panawagan para sa unang regular na folio. Bukas sa lahat ng mga mag-aaral, guro, staff, at nagsipagtapos mula sa Paaralang Loyola. 

Tumatanggap kami ng mga akdang pampanitikan sa Ingles at Filipino: tula, maikling kuwento, sanaysay, kritisismo, dulang may isang yugto, o/at screenplay.

Tumatanggap din kami ng mga biswal na akda: ilustrasyon, painting, potograpiya, mixed media, photomanipulation, video art, o mga akda sa kahit anong biswal na medium. 

Ipasa ang inyong mga akda sa:

heights.english@gmail.com(English) 

heights.filipino@gmail.com(Filipino) 

art.heights@gmail.com (Art) 

Huling araw ng pagsumite sa Setyembre 4, 2022. 

#SubmitToHeights

Paskil gawa ni Mia Tupas at Ven Bello

Nais mo bang basahin ito sa Wikang Ingles?

Gawing i-toggle lang ang button na nakikita.

Ready to have your work featured in HEIGHTS

We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio.
Interested? Come and submit your works today!

Contribute Now