Heights Ateneo — The Official Literary and Artistic Publication and Organization of the Ateneo de Manila University

Call for Contributions for the Double Issue A.Y. 2021-2022

HEIGHTS | Sep 18, 2021

Panawagan Para Sa Mga Akda: HEIGHTS Tomo 69 Blg. 1 at 2

Mula noong magsimula ang pandemya, sinikap nating makibagay sa reyalidad na walang katiyakan, dulot ng kawalan ng maagap na pagtugon sa mga krisis. Hanggang ngayon, nasa kabusalsalan pa rin tayo ng tinaguriang "new normal." Hindi likas ang kaguluhang ito, sapagkat patuloy natin itong hinuhubog at pinalalaganap, pati na rin ng mga may kapangyarihan. Mayroong kabuktutan sa kung ano ang totoo—at ganap na pagtutol ang mismong pagkilala nito. Lalo na ngayon, nagsasanib ang mga kasinungalingan at mga katotohanan, panlilinlang ang siyang wika ng pamamahala, at sinasalakay ng propaganda ang kakayahan ng sentido kumon.

Likas na sumusunod sa pagsisiyasat ng mga kababalaghang ito ang pangungusisa ng mga katotohanan. Sa talakayan ng mga katotohanan, mas binibigyan natin ng diin ang iba't ibang pananaw na ating kinalalagyan, kaysa sa pagkilala ng iisang "Katotohanan." Sa pamamagitan nito, mas masusuri ang mga katotohanang umiiral sa lipunan. Sa global na ekonomiyang nakatuon lamang sa pagpapalago ng merkado, anong mga katotohanan ang umuusbong sa usapin ng pagpapanatili ng kalikasan at pagiging inklusibo? Para sa bansang matagal nang sinisiil ng mga mapang-aping kapangyarihan, paano patuloy na hinuhubog ang mga katotohanan para mapanatili ang sistemikong karahasan? Sa loob ng institusyong pikit-mata sa mga nagpapalaganap ng pang-aabuso, saan nananalaytay ang diwa ng katarungan? Sa mga may pribilehiyong magnilay, paano naiiba ang prinsipyo sa ideolohiya?

Sa ika-69 na taon ng HEIGHTS, kakalas ang publikasyon sa kinasanayang siklo upang manawagan ng mga akda para sa katangi-tanging double issue. Sa gitna ng kagyat na pampulitikang reyalidad, inaanyayahan ng publikasyon ang mga manunulat at manlilikha na tuklasin ang mga katotohanan sa dalawang anyo: sa pagbabaluktot at paghaharap. Sa pagbabaluktot, sisikapin ng mga akda na baklasin ang mga sadyang pagbabagong-bihis ng katotohanan para palaguin ang panloloko. Sa paghaharap, inaasahan ang mga akdang tinatalakay ang sariling paninindigan sa pagtugon sa iba't ibang katotohananmaging mapanggambala o mapagpalaya man. Aming tinatanong: Paano nagbabalat-kayo ang kasamaan sa mga pangkaraniwang kaanyuan? Saan mahahanap ang pag-asa sa tunggalian?

MGA PATNUBAY SA PAGPASA

Binubuksan ng HEIGHTS ang panawagan para sa double issue. Bukas sa lahat ng mga mag-aaral, guro, staff, at nagsipagtapos sa Paaralang Loyola.

Itatampok ng double issue ang mga pinakamahusay na akda sa opisyal na website ng HEIGHTS sa Abril ng 2022, at ililimbag para sa sirkulasyon.

Dagdag pa rito, lahat ng ipapasang akda ng mga kasalukuyang mag-aaral ay kusang masasali sa proseso ng pagpili ng mga piyesa para sa Ateneo HEIGHTS Artists at Writers Workshop, basta’t lamang isinumite ito nang Oktubre 29, 2021. Maaaring tukuyin kung nanaisin isaalang-alang ang sumisyon para ilathala sa double issue lang o bilang nominasyon sa mga workshop lang, kung hindi man ipapasa para sa pareho.

Mga Akda sa Ingles at Filipino

Tumatanggap kami ng mga akdang pampanitikan sa Ingles at Filipino: tula, maikling kuwento, sanaysay, dula, screenplay, at kritikal na papel.

Para sa bawat isyu (alinman sa Blg. 1 o Blg. 2), maaari lamang magpasa ang bawat manunulat ng hindi lalagpas sa sampung (10) akda mula sa iba’t ibang uri ng panitikan. Sa bawat akda, kinakailangang magpasa ng dalawang (2) kopya: isa sa .DOCX format at isa sa .PDF format.

Sining-Biswal

Tumatanggap kami ng mga biswal na obra: ilustrasyon, painting, potograpiya, mixed media, photomanipulation, o mga akda sa kahit anong biswal na medium.

Para sa bawat isyu (alinman sa Blg. 1 o Blg. 2), maaari lamang magpasa ang bawat manlilikha ng hindi lalagpas sa sampung (10) akda at hindi lalagpas sa dalawang (2) serye. Sabihin sa pangalan ng file kung indibidwal o bahagi ng isang serye ang mga ipapasa. 

Mga karagdagang patnubay:

      • Ilakip ang lahat ng mga akda bilang image file na may 300 dpi pataas na resolusyon.

      • Tinatanggap ang mga files na may  .JPEG / .PNG / .IMG extensions.

      • Tinatanggap ang mga reel o screenshot ng mga .GIF at iba pang video file.

      • Hindi tatanggapin ang Photoshop at Illustrator files.

      • Mangyaring tandaan na maaaring tanggapin ng palathala ang piling bahagi lamang ng mga serye.

      • Para sa bawat akda, ilagay sa pangalan ng file ang pamagat, medium, at sukat nito.

Mga Tala ukol sa Proseso ng Manlilikha: Inaanyayahan ang mga manlilikha na magpasa ng paliwanag kasabay ng kanilang nilikha, ukol sa kanilang malikhaing proseso, mga konsepto at balangkas na ginamit, at iba pang mga detalye na maaaring makatulong sa proseso ng deliberasyon. Gagawin ito sa isang sanaysay na hindi lalagpas sa 250 na salita, at ilalakip bilang isang .DOCX file. Hindi ito ilalathala sa folio. 

Impormasyon

Kailangang magpasa ng lahat ng manunulat at manlilikha ng ng isang .DOCX file na naglalaman ng sumusunod na impormasyon:

      • Pangalan

      • Taon at Kurso / Kurso at Taon ng Pagtatapos / Kagarawan / Opisina

      • Contact Number

      • Bio-note

Ipasa ang inyong mga akda sa:

heights.english@gmail.com (English)

heights.filipino@gmail.com (Filipino)

art.heights@gmail.com (Art)

Mga nakatakdang araw ng pagpasa

Blg. 1: Pagbabaluktot

*Hindi na tumatanggap ng mga akda

Blg. 2: Paghaharap

*Nobyembre 29, 2021

Ipaalam ang tatanggap na isyu ng iyong akda.

#SubmitToHeights

Likha ni Anya Nellas

Nais mo bang basahin ito sa Wikang Ingles?

Gawing i-toggle lang ang button na nakikita.

Ready to have your work featured in HEIGHTS

We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio.
Interested? Come and submit your works today!

Contribute Now